Posts Tagged ‘lipunan’

Dumating ang hindi inaasahang panauhin
may dala siyang mga pasalubong
binalutan ito ng alanganing ngiti at ngisi
(siguro dahil sa malapad niyang pisngi)
bukas-palad na inabot at inalok
malugod na pinapasok sa pintuan
pinaupo sa makulay na upuan.

Nagmasid ang bisita sa paligid
siniyasat: pader, dingding, sahig,
bintana, pintuan, mga kanto, muwebles
ang alanganing ngisi at ngiti
naging makahulugang guhit sa labi.

Pinagapang ang palad sa mga silya’t upuan
marahan ngunit may gigil at nginig
nagnanais, nagnanasa, nangangahas
may kislap sa mata
tila makintab na kuko na handang manila.

Ngunit,
Handa lagi ang maybahay
nakahawak sa gulok
na nakasabit sa kanyang beywang
(nakaabang sa kilos ng bisita

kuno).

—————————————

JUNK VFA!

mula sa google.com

Noon,

sinubukang abutin ng sanlibutan
ang kaharian ng Panginoon
at doon paghaharian ang lahat-lahat
ngunit di para sa lahat
bantayog ito ng iilan-
mga hari ng kanilang panahon.
Kaya,
sa kisap-mata’y binago takbo ng isip
ng isa’t isa-
nabuo
kultura,
wika,
mga bansa.

Ngayon,

marami nang nagnanais
maabot ang kalangitan
patunay ang nagtataasang
gusali sa kalunsuran
patayugan,
hinahatak ang tuktok
pinahahalik sa karangyaan
ng pagiging mataas
sa lahat.
Sa bantayog na nilikha
babasagin ang konsepto
ng pagiging panginoon
dahil itinakda sa sarili
ang pagiging diyos-
at iilan din sila.

at bukas,

kabaliktaran sa kasaysayan ang mangyayari
isasakdal ang mangilan-ngilan na panginoon
at ang parusa,
ihuhulog sila mula sa tuktok
ng kadakilaan.