higit na marangal si ligaya kaysa maraming opisyal ng gobyerno. katawan lamang ang ibinibenta niya dahil sa malupit na karalitaan bunga ng balintunang lipunang kontrolado lamang ng iilang piling grupo ng mga tao ang pambansang pulitika’t ekonomiya sa kapinsalaan ng bansa’t masang sambayanan. sa kabilang banda, buong bansa at kinabukasan pa ng susunod na henerasyon ang ibinibenta ng mga diyus-diyosan sa burukrasya.

 

-Rogelio L. Ordonez

Inihahanda lagi ang iyong almusal
kahit walang katiyakan ang iyong pagdating,
maganda nang may nakahain sa iyong pagbabalik.
Sinisigurado ang timpla
ng paborito mong kape sa umaga,
ito ang kaulayaw mo para manatiling gising ang diwa
kaya madalas mong paalaala tuwing umaga,
“Ang almusal ay importante sa mga taong nagbabanat-buto,
almusal ang baon hanggang maghapunan kahit hapung-hapo.”
Kaya kahit walang katiyakan ang pagbabalik mo para mag-almusal,
hinahain pa rin ang sinagag at itlog kasabay ng paborito mong kape
sa mesang binuo mo mula sa niretasong tabla’t plywood;
galing iyon sabi mo sa pinagtratrabahuan pabrika ng tela,
sayang kamo ang pinatapunan kaya inuwi mo’t ginawang mesa sa kusina.

Habang pinupukpok mo nga ang pako na unti-unting bumabaon sa tabla
bumabaon din ang tinik sa lalamunan mo kaya hindi masambit
ang tungkol sa tanggalang nangyari sa pabrika.
Alam ko ito, mahal, nagbabadya ang makulimlim mong mukha
nakikita ko ang ngiwi sa bawat pagpukpok mo ng martilyo,
nararamdaman ko na para kang tabla noong oras na iyon-
nasasaktan ka man sa bawat pagbaon ng pagsambit ng mga pangalan
wala kang magagawa kundi tanggapin ang bawat ulos pabaon sa iyong katawan.
Tatlong oras mong binuo ang mesa,
tatlong oras din akong nakatingin lang sa iyo.
Tatlong oras kang nagmumuni sa pagitan ng pagsukat, pagpukpok at pagsipat.
Tatlong oras naman akong nagmamasid, nanunubok at humahanga.

Kamakalawa, sabi mo, tinulak ka ng mga kasama na magpiket,
hindi ka nagdalawang isip at hindi ko ikinabigla iyon.
Alam ko na ang kasunod niyon.

Kaya, inihahanda ko pa din ang paborito mong almusal-
ang kape, ang sinagag at ang itlog;
nagbabakasakaling umuwi ka nang may ngiti at may pasalubong na magandang balita,
ngunit madalas sumasapit ang tanghaliang wala ni anino sa mesa sa kusina,
lumalamig na ang kape, naninigas na ang sinagag at ang itlog.
Huwag ka mag-alala, mahal,  ipagluluto na lamang kita ulit ng makakain
basta ang importante sa ngayon ay ang iyong pagbabalik muli.

Kaya lagi mong isipin, nandito lang ako, mahal
hinihintay ang iyong pagdating.
Hinihintay ang pagkakataong pagsaluhan natin muli ang nakahain sa mesa
na may pag-unawa at pag-ibig.

I. Panimulang Gawain

Sa edad ko na mag-tretrenta, maraming matatandang kuwento ang nakaimbak sa aking bumbunan na hindi na alam ng kabataan sa ngayon. Marahil hindi na interesado ang mga ito sa mga alamat, bugtong at pabula na mas matatanda pa sa mga lolo nila, mas luma pa nga yata ito sa Intramuros o mas out-to-date pa sa Nokia 5110.

Sa ganitong pagpapalagay, isa marahil itong salik kung bakit hindi marunong makipagtalastasan ang mga kabataan sa ngayon. Pawardi-wardi na lang sila kaka-Facebook, Twitter at pag-uupload sa Youtube. Nalalansi na parang naawitan ng Ibong Adarna ang mga ito sa mga naggagandahang gadgets na maya-maya ang pagkukoplas tulad ng Ipad, Ipod, Iphone, X-Box, PSP at iba pa. At ang mga bagay na ito ay nag-ugat sa bumbunan na sumisipsip sa katinuan ng mga tao.

Kung kakalkulahin natin ang pinag-ugatan ng mga bagay na nabanggit, isa lamang ang maaaring maging dulo ng diskusyon. Paano ba nagtransform na parang mga aliens ni Ben10 ang mga Pilipino? Bakit nauwi na parang alien ng sariling katawan at dugo ang itsura at imahe ng mga Pinoy?

Umuunlad nga ba ang mga Pilipino dahil sa mga pagbababagong ito, mula sa pagsabay sa paggamit ng computer sa iba’t ibang larangan hanggang sa pagmamaster ng pagsasalit ng wikang ingles, kaunlaran nga ba itong matatawag?

 

Alamat ng mga Alamat

Noong hindi pa uso ang mga gadgets at puro puno at kabundukan pa ang nakapaligid sa kabuuan ng mga bayan, maalwan ang buhay ng mga sinaunang tao sa Isla ng Filipinas. Hindi nila problema ang pagkain at matitirhan. Inaasa nila sa mga anito ang galaw ng kanilang kapalaran. Pinagpapalagay nila na ang lahat ng bagay na nangyayari ay may dahilan. Ultimo ang pagsipol ng kawayan at pagsigaw ng habagat ay nagmamanipesto ng kahulugan sa mga sinaunang mga pinoy.[1]

Hanggang sa dumating isang araw ang mga mula sa hilaga, mga bigotelyong nakasuot ng baluting naguguhitan ng mga krus at mga banal na imahe. Dumating sila sa isla ng Filipinas na may layong basbasang ng Agua Bendita ang mga paniniwalang nakalalaya sa sangkapaligiran. Tinaya nilang mangmang ang mga taong kanilang dinayo.

Binola-bola ng mga dayo ang mga taga-Islas de Filipinas. Pinakilala nila ang kulturang makulay na sumilaw sa mga mapangaraping mata ng mga sinaunang Pilipino at doon na namatanda ang mga ito. Nasukuban sila ng panunumpa na nagbigay sumpa sa pagkatao ng Pilipino.

Mula noon, nagkalat na sa isla ang lahi ng mga dayuhan. Dito na lumala ang kalbaryo ng mga taga-Filipinas. Unti-unti binura ang kultura ng mga taga-isla, pinalitan ng mga rebulto ng mga santong makikita sa librong pinakilala sa isla na Banal na Aklat. Iyon ang naging batayan ng kilos at pag-uugali ng mga taga-isla. Ginising ang diwang nahihimbing sa pagkakatulog para uminom lamang ng tabletas na pampatulog.[2]

Lumipas ang maraming taon, hindi na kinaya ng mga dayo na imintina ang pagpapahele sa mga taga-isla kaya ipinasa na lamang nila ito sa mga kalahi ni Uncle Sam. At doon nagsimula ang kuwento ng mga maalamat.

Ang maalamat na lahi ni Uncle Sam ay nagpatayo ng mga paaralan para maitakas ang mga mamamayan ng Isla de Filipinas sa kamang-mangan. Giniya niya ang katinuan ng mga taga-isla upang makapag-isip ng malaya na nakabatay sa mga standards ng mga bagong bisita ng bayan.[3]

Tuluyan nang naging alamat ang lahi ng taga-Isla de Filipinas, alamat na lamang na matuturing ang kuwentong tuluyang malilimot ng mga Pilipino balang-araw.[4]

 

II. Ang Paglalagalag

Kung susumahin, halos maglilimang taon na ako sa pagtuturo ngunit wala pa din nagbago sa larangang pinasok, hindi ko tuloy alam kung ako ang problema o bahagi ako ng problema o anuman[5]. Maaari rin tignan ito sa ganito anggulo, marami kasing usapin ang pinagtsitsismisan sa mga bangketa ng edukasyon, una, usaping pinansiyal; pangalawa, usaping administratibo; pangatlo, usaping personal; ikaapat, usaping propesyon; at ikalima, usaping pansilid-aralan. Sa dami ng maaaring pag-usapan, nalito na kung saan ba nararapat magsimula. Para tayong mga lagalag na hindi alam kung saan talaga pupunta.

Nagsimula ako sa pagiging contractual teacher sa loob ng limang buwan at ang limang buwan na iyon ay paghihigpit ng sinturon sapagkat sariling lakad ng payroll para makasahod. Delay-to-the-max, 3 months ang lumipas bago ako nakasahod. Nabuhay sa paabot at pautang ng mga kaibigan. Sa Tandang Sora National High School ako noon, maliit na eskuwelahan, halo-halong klase ng estudyante , kumpleto rekados- mula pasaway hanggang masunurin; mula bookworm hanggang sa bahala-na-gang;  mula papogi/paganda hanggang sa sipunin.

Lumipas ang ilang buwan, naging regular substitute naman ako sa kauna-unahang highschool sa Quezon City, ito’y pinangalan sa mismong lungsod na pinagtayuan. Mga ilang buwan lang din ako dito, 2 months lang yata, pero walastik ang karanasan ko bilang guro dito. Dito ko napagtanto na iba na ang henerasyon ng kabataan sa ngayon. Kumpara sa obserbasyon ko noong nasa Tandang Sora National High School pa ako, dito ko nakita ang mga napariwarang mga kabataan. Hindi lamang lulong sa bisyo tulad ng sigarilyo at alak. Sa paaralang ito, nalaman ko na talamak na din ang droga at kung anu-ano pang maaaring bisyuhin. Marami din ang uma-access sa pre-marital sex kaya sa maagang nabubuntis ang nene at nagiging batang ama ang mga totoy tulad ni Angelito.

Disyembre 2007, naging permanenteng guro na ako sa aking alma mater. Hindi ako nangapa sa kalakaran sa Jose P. Laurel Sr. High School. Estudyante pa lang ako rito ay kabisado ko na ang pasikot-sikot ng paaralan, mula sa pisikal na kalagayan nito hanggang sa metapisikal na aspetong bumabalot sa eskuwelahan.

Sa paglalagalag na iyon, nakita ko ang malaking larawan ng suliraning hinaharap/ kinakaharap/ kahaharapin nating mga Pilipino – ito ang globalisasyon.

Ngayon, ano ba ang matutulong ko sa aking alma mater?

Ano ba ang kailangan ng aking paaralang dating tambayan ngayon ay pinagsisilbihan na?

Pagiging praktikal ba o pagkapit sa patalim?

 

III. Wala ba akong napapansin?

Noong estudyante pa lang ako sa paaralang pinagtuturuan, may navivibes na ako, hindi ako sigurado kung ano iyon, pero alam ko mayroong something sa paaralang iyon.

Ngayon nandito na ako, bilang guro naman, ganoon pa rin ang aking pakiramdam. Tila may multong laging nakaabang, nakaamba, handang manila.  Parang si Sadako na lalabas na lang bigla-bigla. Nakakatakot kaya na kumalaban sa isang nilalang na hindi mo naman nakikita, hindi mo kasi alam kung saan ka magsisimulang umatake. Sa ulo ba o sa katawan? Patadyak ba o pasuntok? Bubulagin mo ba o kukurutin sa tagiliran? Mahirap.

Lumipas ang mga araw, ang pakiramdam ay patindi nang patindi. Ayaw man ang maraming bagay na nararanasan, atomatikong gagalaw pasunod sa sistemang kinabibilangan. Sabi nga, “Walang humahawak sa kawali na hindi nauulingan.”

Sa ganitong pagpapalagay, mahirap.

 

Mga patay na buhay 

Mahirap. Nakalubog na sa putik ang mga paang nagsisimula pa lamang magtampisaw sa malawak na karagatan. Hindi naman din nila ito kasalanan. Hindi rin naman puwedeng ibintang sa iba. Nakakaasar nga lang talaga. Alam mo sa sarili na hindi ganoon ang mga batang ito. Hinding-hindi sapagkat dumaan din naman ako sa danas na kanilang kinakaharap. Badtrip.

Sa araw-araw, halos, hindi ko maiwasang hindi umiling sa tuwing nakikita kong naliligaw ang kanilang mga kaluluwa. Buhay na buhay ang kanilang katawang-lupa ngunit naglalagalag ang kanilang kaluluwa sa dako paroon. Nag-aaral ang mga ito hindi dahil gusto nila matuto kundi dahil gusto nila makawala sa kahirapang dinadanas nila. Madalas nawawala na ang kanilang sarili dahil lamang sa pangarap na gumanda ang kanilang kabuhayan pagkatapos ng pag-aaral. Ang nakakabalisa pa minsan ay ang paglabas ng tunay nilang layunin bakit nag-aaral makatapos lamang ng hayskul.

“Bakit kayo pumapasok sa klase?” tanong ko madalas sa unang linggo ng pagtuturo.

Marami silang isasagot.

“Para matupad ang pangarap ng mga magulang ko.”

“Para makapagtapos at makahanap ng trabaho.”

“Para makapagtrabaho sa ibang bansa.”

“Sir, kahit hayskul lang basta magkaroon ng medyo magandang trabaho.”

“Para matupad ang pangarap sa buhay, sir.”

Nakakalungkot. Nakakainis. Hindi naman puwedeng sisihin sila. Ganoon lang din ang abot ng kanilang kaisipan. Parang almusal lang na nais palipasin. Importante nakapag-almusal. Wala sa kanila ang susunod at susunod pang pagkain. At iyon din naman kasi ang naituro sa paaralan. Mag-aaral para umunlad. Sa sampung taong pag-aaral, hindi naman talaga pumapasok ang mga mag-aaral sa kani-kanilang klase upang matuto.[6] Nasa loob sila ng kanilang klasrum upang mamuhunan sa magandang kinabukasan. Gagawin ang lahat para sa pag-unlad na ito. Kakabisaduhin ang mga leksyon ng paulit-ulit, magpupuyat sa pagrereview, makikipagbunuan ng mga extra curricular laban sa mga klasmeyt, susunod sa mga titser, magiging mabait na mag-aaral na tatango na lamang sa mga naririnig at pagpasa ng mga gawaing pansilid-aralan na hindi na inintindi ang nakalagay ang importante ay maka-comply.[7]

At kung hindi naman nila nakikita na ito ang paraan para umunlad sila, babalewalahin na lang. Ito ay simpleng arithemitic ng pagpasok sa mga klase. 1+1=2, ganito kasimple, ginagawa natin ang isang bagay para sa isa pang bagay na materyal.

            Ang masaklap pa nasanay na tayong maging manhid sa katotohanang hindi naman talaga tayo natuto para naging malaya. Ang tanong na lumilitaw dito: Handa nga ba ang susunod na henerasyon sa pagbabago? Handa ba silang maging isa na hindi inuusisa ang itsura, amoy, kulay, coolness ng isa’t isa? Handa ba nila basagin ang sarili para sa kapakanan ng iba? Handa ba silang mamatay pisikal man o moral para sa pagbabagong-buhay na ito?[8] O mananatili silang maging tulad ng nakasanayan, mga buhay na bangkay?

Sa mahabang panahon, mula pa noong hindi pa ako naiisipang gawin ng aking mga magulang, nakaatado na sa isipan ng mga nagiging estudyante. Noon pa naitanim sa sistema ng edukasyon ang layunin nito sa buhay ng tao ang gawing marahan ang magraragasang damdamin[9]. Ito ay sa pagtuturo ng kagandahang asal, pagpapakita ng mga bagay na maaaring abutin gamit ang edukasyon; at iba-iba pang bagay na maglalagay balang-araw sa mga kabataang Pilipino sa pedestal. Susundin natin ito hanggang sa huli parang zombie na naghahanap ng buhay at sariwang puso.

 

Pugad ng mga multo at mga minulto

Kung hindi naman talaga kasalanan ng mga kabataan ang mismong pagbaba ng kanilang pagkatao bilang natututong nilalang. Kanino ba dapat sisihin ang mga pangyayari?

Nakasanayan ko na ang sistema dito sa pinagtratrabahuan ko. Kahit i-base ko pa sa ibang pinagtrabahuan ko noon, sa opisina man o sa fastfood/restaurant, pare-parehong kalakaran naman umiiral. May boss, may tagasunod, may nagsusunod-sunuran, may pasaway. Ito ang sistemang hindi matanggal sa anumang institusyon.

Ang masaklap na katotohanan sa institusyon ng edukasyon sa Pilipinas, hindi naman talaga naiintindihan ang sitwasyon. Paano malalaman ng gumagawa ng patakaran o alituntunin kung wala sila mismo sa sitwasyon? Paano naman makakatulong o magagawa ng titser ang kanyang obligasyon kung ang pinapagawa lang sa kanya ang dapat niyang gawin? Sakit sa bangs diba?

Tulad na lamang ng pagpapatupad ng bagong kurikulum sa edukasyon, ang K to 12 Curriculum. Sa dinadami-dami ng kurikulum na ipinatupad, ang pinakamasaklap na yata ang naturang kurikulum kung saan taliwas sa pangangailangan ng ating bansa. Kung susuriin ang kurikulum na ito, mapapansing isa na lamang na Filipino subject ang cumpolsary na ipapakuha sa mga mag-aaral.[10] Pagkatapos nito, maaari na silang pumili ayon sa kanilang panlasa o pangangailangan na kung saan isang malaking badya para mawalan ng pagkakataon bigyang-pansin ang wika.

Sa ganitong pagpapalagay, ang K to 12 Curriculum ay isang banta na marahil sisira sa kultural na aspeto ng bansa na isang mahalagang salik sa pagpapaunlad ng edukasyon at ekonomiya ng bansa. Gaya na lamang sa ibang bansa, tulad ng Singapore, nagkaroon ng isang malawakang pag-aaral para mapaunlad ang wika na nag-udyok ng pagkakaisa kahit may iba’t ibang kulturang katutubo ito.[11] Ganoon din ang sitwasyong naganap sa Japan, ang pagbibigay-diin sa pag-aaral ng Niptonggo ay isang mandatung dapat sundin.

Maliban sa usaping wika, ang pagbuo ng kurikulum sa bansa kung mapapansin mula pa noon, laging nakatuon sa mahalagang sangkap ng pakikipagsabayan sa mundo ng globalisasyon. Saan nakatuon? Ano ba ang laging nabibidang asignatura mula pa noong naisulong ng Amerikano ang mga paaralan sa Pilipnas? Tama, Agham at Teknolohiya(Science and Teknology), at ang Matematika(Mathematics). At siyempre hindi mabubuhay ang dalawang nabanggit na asignatura kung wala ang magtutulak dito upang maintindihan, sa ganitong paglalahat, binigyang-pansin ang asignaturang Ingles. Nasaan ang Asignaturang Filipino? Pakonsuelong isinama sa mga Major Subject kasi nasa Saligang Batas ito. At bakit ito nangyayari? Dahil bilang isang bansang marunong tumanaw ng utang na loob, bilang kapalit sa nagpautang sa bansa upang maagapay ang tuluyang pagbagsak (daw) ng ekonomiya, lalapit ang pamahalaan sa IMF (International Monetary Fund) at uutang dito. Ngunit ang kapalit pagsunod sa mga hiling nila.[12]

Isang masakit na katotohanan pa na ang edukasyon natin ay nakatuon sa pagpapakondisyon sa mga Pilipino upang maging trabhador hindi bilang tagapaglikha ng pag-unlad. Nandiyan ang pagpapaunlad ng programa sa teknikal at bokasyunal na asignatura.[13]

Paano tayo makawawala sa katotohanang ito?

Hindi naman sa nagmamagaling pero mas magandang tutukan talaga ang problema sa pamamagitan ng paglubog mismo sa sitwasyon. Hindi basta nakabase lang sa statistics. Iba pa rin ang mandatu ng karanasan. Hindi ang pagpapaunlad ng katalinuhan sa mathematika at agham ang susi sa tagumpay, marahil una muna nating maintindihan na unahin muna nating paunlarin ang kaalamang mayroon tayo, at ito ang iakma sa ibang pangangailang intelekwal.

Pagpapaunlad sa kultura ang unti-unting nawawala sa ating edukasyon. Pagsabay sa globalisasyon ay nagbibigay-daan sa atin na paulit-ulit sakupin kahit ilang beses na nating sumubok kumawala sa pagiging kolonya.[14]

 

Sa Bituka ng mga Aswang

Wala naman akong maraming libro para lang mapatunayan ang mga sinasabi ko. Ang baon ko sa pang-araw-araw ay ang karanasan, obserbasyon at ilang librong nagpatinang kahit paano sa mga kaisipang nalunoy sa estero’t kanal ng pagkamangmang. Inuulit ko hindi ako matalino (defensive?).

Hindi ako matalino pero may mata, tenga at konsensiya naman siguro ako para timbangin ang lahat. Ano nga ba ang mga naitimbang ko?

(1)   Hindi pagkatuto ang ipamemorize ang mga leksyon kung wala naman itong direktang aplikasyon sa pang-araw-araw na pakikipagbunong-braso sa mga pagsubok bilang isang tao o bilang isang buhay na katawan

(2)   May mali sa sistema ng pagpapatupad ng mga alintuntunin. Saan nga ba nanggaling ang mga apoy (puro ang usok lang ang pinapansin natin)?

(3)   Edukasyon ba para sa Pilipino ang idekta ng pera ang lahat-lahat maski ang konsepto ng pag-unlad

(4)   Grades ba ang basehan lagi ng talino ng tao (maaari din tignan na paano ba natin binibigyan ng puntos ang mga nag-aaral)

(5)   Nag-aaral ba ang mga mag-aaral ngayon para lang maging sunud-sunuran lang sa iba (naaalala ko iyong sinabi ng dati kong EIC, noong minsan nakausap ko siya, dito sa amin, di ko na babangitin kung saan unibersidad siya ngayon, pinag-aaralan naming kung paano namin mapapalitan ang magiging boss naming balang-araw)

(6)   Ano ba ang tinuturo sa mag-aaral (tools ba para makaakyat sa bundok o pabigat para lalong di makarating sa tuktok nito)

(7)   Anong klaseng sistema ba ang mayroon sa ngayon sa larangan ng edukasyon (kalakarang pankalakalan – paglalako ng kaluluwa)

(8)         May ginawa na ba talaga tayo para mapatila ang apoy o sadyang napapalakas lang natin ito

(9)         Pagsabay sa agos o pagkalunoy sa alon ng sistema sa globalisasyon

(10)     Nagkakaroon ba tayo ng pagpapahalaga sa identidad bilang Pilipino sa mga diskursong binibigyang pansin ng akademya o nang institusyon

(11)     Maling konsepto ng kalayaan at tagumpay

 

Sa ganitong paglingalinga sa mga nakahandusay na patunay, hindi ko na yata kailangan magsaliksik ng datos/estatistika para maitindihan kahit papaano ang problema sa sistema. Nandito tayo sa loob mismo ng bituka ng mga aswang, unti-unti tayong tinutunaw upang ang pagkatao natin ay maging tae na lamang.

Tao = Tae, payag ka ba?

 

Sa Kuko ng mga Kislap

            Tulad ng sa nobela ni Edgardo M. Reyes na Sa mga Kuko ng Liwanag, Silaw ang karamihan sa atin ang marating ang inaasam na pangarap, wala namang masama sa pangarap, hindi naman masama ang lumipad, ngunit ang tanong saan at paano ka ba lilipad?

Isipin mo ang sariling karanasan, ilang porsyento ng kabataan ngayon ang nawawala na sa landas dahil sa mga kislap na nagpapansin sa kanilang daan habang tinatahak ang pag-unlad kaya ang nangyayari, ayun, naliligaw sila nang hindi namamalayan at wala na sila mismo kalsadang tinatahak.[15]

Madilim at marilim na ang landas, kislap mula sa mga mapaglinlang na tagumpay ng mga huwad na pagkatuto ang pumapaimbabaw kung kaya madali tayong namamalikmata’t nabubulabog nito. Pumikit kaya muna tayo para maramdaman ang tunay na problema. Huminto sa paglalakad. Pagmasdan ang paligid.

<Tapos pasok ang kanta ng Asin – Wala ka bang napapansin…>

Hindi ang pagiging Tayo ang unang dapat natin makitang problema, hindi problema ang lipunang may malaking pundasyon sa pag-unlad at pagkatuto ng tao kundi ang sistema mismo ang problema. Tulad ng bansang Argentina na hindi malayo ang sitwasyon sa bansa natin, kung makakawala tayo sa sistema na globalisasyon maaari pang makatayo tayo sa sarili nating mga tindig na abutin ang tagumpay ng bansa, ngunit malalim na ang pagkahibang natin mahirap makabawi kapag nakautang ka na para sa mga Arabo na nagpapautang ng 5-6 niloloko ka na nga parang ang bait-bait pa nila kasi pinapautang ka pa ng kanilang paninda. Okey diba?[16]

Sasabayan pa ang kislap na ito nang mas nakakasilaw na paniniwala – maniwala lang tayo, uunlad din ang bansa balang-araw. Balang-araw, kalian? Sino ang magbibigay nito?

 

IV. Ang Pagdating ni Bernardo Carpio

Batman sana ang ilalagay ko sa pamagat ng bahagi ito ngunit naisip ko hindi siya ang kailangan natin. Hinding hindi makakatulong ang tulad ni Batman para sugpungin ang mga aswang sa paligid ng Pilipinas. Hindi niya alam ang sitwasyon dito. Baka mga kaibigang lamang lupa ang kanyang atakehin sapagkat lahat ng mukha ng kalaban para sa kanya ay iisa. Hindi ganito dito.

Ang kailangan natin ang ating mga sarili na palakasin. Patibayin ang mga kalamnan upang hindi basta-basta mabuwag sa dakilang propesyong ating pinasok at tinatahak. Kailangan nating kumilos ayon hindi lamang sa dinidikta ng sistema kundi iayon natin sa pinupulso ng ating sariling sistema bilang tao. Pagbuo muli ng mas akmang pagkatuto at pag-unlad na akma sa pagiging tayo.[17]

Puso. Ito ang kailangan natin.

Kailangan natin kumilos. Hindi lang dapat tayong makontento sa pagsalo ng dalawang mag-uumpugang bato. Kumilos tayo .

Hanapin natin ang ugat ng mga pangyayari sa bansa. Alamin natin kung bakit patuloy ang pagsalpok ng dalawang bato. Buksan ang puso at idilat ang isip.

Tayo si Bernardo Carpio ng ating panahon.

Tayo ay Guro. Ako ay Guro.

 

V. Takdang Aralin

            Babalik at babalik ako araw-araw sa aking paaaralang pinagtuturuan. Matuto pa lalo. Magpapalakas. Hindi pa ito ang tunay na mukha ng suliranin ng aming paaaralan, ng mga paaralan, ng mga mag-aaral, ng sistema, ng pagkatuto.

Uupo ako sa aking teacher’s table, sagutan ang mga sumusunod na tanong na bumabagabag sa aking bumbunan parang high blood na umaatake kapag nasobrahan sa mga bawal.

Alam ko maipapasa ko ang leksyon.

Ibabahagi ko sa pisara ang markang makukuha. Hindi man ako magtagumpay, may magtutuloy na sumagot sa mga katanungan na matagal na dapat hinarap ng mga Pilipino.


[1] Para sa mga ito (sinaunang pilipino), may mga puwersang nagpapalago ng mga halaman, nagpapagalaw ng maiilap na hayop at ibon sa kagubatan, nangangalaga sa mga ilog at batis, at nagbibigay ng lakas sa mga gerero ng lipi.

[2] May mga simbahang itinayo ang mga ito at doon tinuturuan ang mga bata at matanda kung paano maglingkod sa Diyos na dinala nila sa Filipinas. Sa mga simbahang iyan, itinuturo ang dapat paniwalaan upang ang indibidwal ay mabuhay nang matiwasay sa mundong ito at upang siya’y maligtas sa pagkahulog sa impyerno kapag siya’y namatay. (Mula Tore Patungong Palengke – Neoliberal Education in the Philippines, Lumbrera B., Guillermo R. at Alamon A.)

[3] Post-colonial Philippines is mainly neo-colonial: unable to establish an economy that can decently supports its people, and always beholden to what the United States will say in our national and international affairs. (Educating a Nation, October 4, 2012, Manila Bulletin, Deconstracting Justification for Filipino by Prof. Rolando Dela Cruz)

[4] Sa pamamagitan ng Ingles, samakatuwid, isinubo ang mga kabataan sa kultura ng lipunang Amerikano, sa dahilang may higit na maunlad sa ekonomiya, ay nakapagdulot ng mga produkto, kagamitan at luho ng katawan na hindi pa malaganap sa Filipinas. (Mula Tore Patungong Palengke – Neoliberal Education in the Philippines, Lumbrera B., Guillermo R. at Alamon A., 2007)

[5] Tanong na nailahad sa unang araw ng klase ni G. Jun Cruz Reyes habang tinatalakay ang ugat ng problema sa Educational System sa bansa.

[6] Banggit sa nobelang Mac Arthur ni Bob Ong hinggil sa halaga ng edukasyon para sa kabataan.

[7] On contrary , banking education (which students is like a bank and educators are merely a depositors) maintains and even stimulates the contradiction through the following attitudes and practices, which mirror oppressivesociety as a whole ((Pedagogy of the Oppressed, Paulo Freire, 1970)

[8] All these remain to be seen. “Disunited” is one word to describe the Filipinos, reflected not only in its archipelagic territory. It is concretized in the impunity of the powerful and the alienation of the powerless with the rule of law. There is an absence of shared vision that can guide the nation.  (Educating a Nation, October 4, 2012, Manila Bulletin, Deconstracting Justification for Filipino by Prof. Rolando Dela Cruz)

[9] Its(Education) main function is to enlighten, to develop, to build, not to fight, or to destroy. Education is a constructive force, perhaps the greatest and noblest constructive force ever set in motion by the mind of man. (Moral and Educational Orientation for Filipinos, Jose P. Laurel, 1959)

[10] Mula sa “K to 12 TOOL KIT: Reference Guide for Teacher Educators, School Administration and Teachers 2012.” na inilabas ng SEAMEO-INNOTECH. Kung dati, ay 2-3 asignaturang Filipino ang kinukuha ng mag-aaral sa Kolehiyo sa lumang kurikulum, sa senior high school / junior college sa ilalim ng K-12 ay 1 hanggang 2 na lamang. Retorika ang una at ang susunod na asignatura ay opsyunal na lamang.

[11]The Lesson is clear: language planning in Singapore during its birth was immediately boosted by unity that transcended ethnic squabbles. The Singaporean case defies any claim that cultural unity can be done mainly by a language native to the state. It also defies the idea that a colonial language does not serve its educational aim. . (Educating a Nation, October 4, 2012, Manila Bulletin, Deconstracting Justification for Filipino by Prof. Rolando Dela Cruz)

[12] It’s hard to find any sector of society whose fate does not somehow hinge on the decisions made by the international lender. (The Front Lines of the Globalization Debate, Naomi Klein, 2002)

[13] In a forum , Educational Secretary Jesli Lapus spelled out the government priority initiatives… and to upgrade technical and vocational education in high schools, designed to “provide technical skills to secondary school students as key ingredient in solving the mismatch between labor supply and demand.” . (Mula Tore Patungong Palengke – Neoliberal Education in the Philippines, Lumbrera B., Guillermo R. at Alamon A., 2007)

[14] Many, no doubt, would drift either cynically or sincerely to the right, regretting their earlier view as infantile idealism ( The Illusions of Postmodernism, Terry Eagleton, 1996)

[15] Ignorance and lethargy were the direct product of the whole situation of economic, social and political domination  – and the paternalism – of which they (the oppressed) were victims. (Pedagogy of the Oppressed, Paulo Freire, 1970)

[16] As long as the destruction of this country (Argentina) is presented as a uniquely national pathology, it will conveniently keep the spotlight off the IMF itself. (The Front Lines of the Globalization Debate, Naomi Klein, 2002)

[17] Teachers and students (leadership and people), co-intent or reality, are both Subject, not only in the task of unveiling that reality, and thereby coming to know it critically, but in the task of re-creating that knowledge. (Pedagogy of the Oppressed, Paulo Freire, 1970)

 

Sa hampas ng dumating na habagat,
nagmukhang kahabag-habag ang lahat
ngunit ang tunay na nalabag
ang kalikasang ngayon lang nagkabayag.

Matagal-tagal nang nanahimik
matagal nang nagmamatyag at walang imik
tinatanggap ang lahat nang nakapikit
isinisilid ang galit at sa puso’y isinisiksik.

Lumilipad-lipad sa kawalan
hanggang bait nito’y nawalan
ngayon ito na ang kanyang laan
hambalos ng mabigat na pag-ulan.

Kaya nga ngayon, ito ang panahon
nakipagsabwatan sa panahon at umahon
pagkilos, dinaan sa paglipon
ng mga huwad mga panginoon.

Ngunit sa pagkilos na likas
ang kanyang pinakitang tikas
pati ang mga inosente’y nalimas
at kabuhayan kinapitan ng malas.

Patas ba ang tunggalian ng dalawang matikas
ang kalikasan at ang natural na ganid sa lakas?
Sa anuman, ang buhay ay nalimas
dahil sa kakagagawan ng makapal ang karakas.

Kaya ito ang panahon, ang pagkakataon
nilabas ang bayag ng muntik ng makapon
ng mga makalupang namamanginoon
na salot sa ngayon at mula pa noon.

Ito ang oras, ramdam ng lahat
ang damdamin ng kalikasan na nag-alat
dahil sa latay at pasang sa katawan ay nagkalat,
ganti ng naapi, umabot sa mga damuhong pangkat.

Ngayon, ang pananahimik, nagtapos
kumawala na sa kanyang pagkakagapos
sa pagkaalipusta at pagkabusabos
tulad ng masang matagal na din naghikahos.

Marahil noon,
habang nakataas pa ang noo
nang hinihintay mo ang tanong:
“What’s the essence of being a woman?”-

di ka magdadalawang-isip
ang isasagot mo ay ganito:
ang esensiya ng pagiging babae
ay hindi tulad ng madalas isagot
na nasa pagkakaroon ng supling
sa matris ang kapakinabangan ng kababaihan,
sapagkat ang babae ay hindi sanggol lamang ang iniluluwal
kundi mga supling,
mga anak ng bayan.

Marahil ipagdidiinan mo sa hurado
ang babae ay hindi pambahay
at lalong hindi pang-kama lang
na parang pinagpipiliang kamiseta na nasa tukador
nararapat kumawala sa aparador
pumanig sa dapat panigan,
pumaling sa kaliwang bahagi ng lipunan;

Sa mga kalahok, ito ang iparirinig mo:
ang kagandahan ng isang babae
ay wala sa mga hikaw, make-up at magagarang gown;
may propaganda sa pagpapaganda
walang kuwenta kung parampa-rampa ka lang sa lona;

At ibubulas mo sa mga nanunuod ng patimpalak
na hindi nararapat nagpapataasan ng kilay
ang mga sagot, talento at ganda ng kababaihan-
baguhin ang pagkakakilanlan
sa mga kabaro;

Ngunit hindi naitadhana ang tanong na iyon sa iyo,
kaya pagkatapos ng beauty pageant
hinubad mo ang magarbong gown
at lumabas sa dress room na walang make-up

isinabuhay mo na lamang
ang isasagot mo sana
sa QnA portion na iyon.

 

kay Margarita Gomez

Ito na ang mga tagapagtaguyod
nag-aalok ng nakakahong
produkto. Maganda ang kalidad
maaasahan, garantisado
matibay, subukan mong
ipukpok sa ulo.

Dumating silang naglalako
para sa  pinoy ang kanilang motto
nasa lahat ng sulok, gilid at kanto
epektib ang epekto
siguradong tepok
hindi man ipis, daga o lamok.

Ito ang kanilang alok. Binabahay-bahay na.
Umaalingawngaw ang pagtimbre. Ito na.
“Kalayaan, Kaligtasan, Kapayapaan
bili kayo diyan. Sampung piso isa
may libre pang magic show.”

 

Kasabihan ni Mano #4

Posted: Hunyo 3, 2012 in Siste
Mga kataga, , , ,

Lahat ng bagay may dahilan pero hindi lahat ng dahilan ay bagay.

-mano

minsan binubulag tayo ng pangarap para hindi makita ang nararapat.

Alas tres palang ng umaga nagising na ako. Masama ang aking panaginip.Pawisan akong bumangon sa kinahihigaan. Tumungo agad sa may kusina at uminom ng malamig na tubig. Parang natutuyuan ang aking lalamunan.

Dahil hindi na makatulog, binuksan ko ang laptop at kumonek sa internet. Nag-facebook na lang ako.

Sa pagbrobrowse sa newsfeed ng account ko sa Facebook, isa sa mga nakakuha ng aking atensiyon ay larawan ng isang batang Sudan na gumagapang papunta kung saan habang nasa likod nito ang isang buwitre na handang manila.

Sobrang payat ng bata. Tuyong-tuyo ang pangangatawan. Halos hindi na ito makagapang. Tila mamamatay na. Tumalon ang puso ko. Dinalaw ako ng habag at kaba.

Naging 1994 Pulitzer Nobel Prize Winner ang kumuha ng larawan ngunit 3 buwan lang ang lumipas nagpakamatay ang photographer dahil sa depresyon.

Napalagok muli ako ng isang basong tubig. Naalala ko noong bata pa ako. Takot na takot ako sa larawan ng mga sanggol na sobrang payat. Kasagsagan ng kampanya noon para maisalba sa taggutom ang Africa kaya madalas mapakita sa TV ang mga ganoong larawan. Nanginginig akong nagtatago kapag pinapakita na ito sa mga patalastas.

Ngayon, tinitiggan ko ang larawan. Pilit kong tinatanggal sa katawan ang pamilyar na pakiramdam. Bumuntong-hinga. Ayaw ko magaya kay Kevin Carter*.

Naka-ready na ang arrow icon na i-click ang share button.

Nagdesisyon ako. Hindi ko itinuloy ang pag-share sa larawan. Tumayo ako at kinuha ang lesson plan.

Isinama ko sa lesson si Kevin, ang larawan at ang taggutom sa Africa.

Ikinuwento ko din ang aking panaginip.

 

*Si Kevin Carter ay isang south-african photographer na nagpakamatay matapos magawaran bilang 1994 Pultizer Nobel Prize Award. Nagpakamatay ang photographer dahil sa matinding depresyon.

Kabilugan ng Buwan

Posted: Mayo 17, 2012 in Kuwentuhan
Mga kataga, , , , ,

Madalas magbrown-out tuwing gabi sa Maynila noong nasa grade 3 palang ako.Sa Creekside Drive, Project 8 palang kami nakatira noon.

Tuwing nagbrabrown-out, lalo kung gabi, hilig naming gawin ang paglilibot sa barangay. Kasabay ng paglilibot ay pagbibida ng kanya-kanyang kuwento. Isa si Jumben sa pinakamagaling magkuwento sa lugar namin.

“JR, Alam mo ba kung ano iyang aninong hugis-babae sa buwan?”

Umiling lang ako.

“Iyan si Mama Mary. Binabantayan tayo.”

Kamot-batok lang ako habang sumisingit sa tenga  ang kuwentuhan ng mga matatanda hinggil sa madalas na pagbrabrown-out. Narinig daw nila sa radyo na nagkaroon lang daw ng Maintenance ang Meralco kaya madalas ang pagkawala ng kuryente. Halos lingguhan na kasi ang pagkakaroon ng brown-out noon. Marami na ang nagrereklamo.

Nagsalita uli si Jumben. Kinukumbinse ako.

“Maliwanag ang buwan upang makita niya ang bawat galaw ng tao sa mundo.”

Tumingin ako sa buwan. Maliwanag nga pero alam kong binubola lang ako ni Jumben para malibang sa mga sitwasyon tulad nito.